Sa pagtahak ko bawat araw,
pawang ang lahat ay walang linaw;
dibdib koy dagling nangangamba,
Sa daang mapagpanggap, sa landas na mapanghusga.
pero bago ako napunta sa daang nabanggit,
kaligayahang inaasam akala ko na’y nakamit.
Nangyari ang lahat ng akoy hinubaran,
ng takip ng aking mukha, na aking pinakaiingatan.
Oo, pinagkatiwala ko ang totoong ako;
mga pangarap ay ibinahagi, mga problemay idinulog ko,
pati mga lihim ay ibinunyag sa mga taong saki’y bumago;
hindi ko sila kamag-anak, turing ko’y kaibigang totoo.
Pero ano itong kumakalat na aking naririnig;
ano itong aking nakikita at akoy nanlalamig.
Mga araw ng panghuhusga’t paghihirap ay hinayaang magdaan,
maiwasan lamang ang nakakatakot na katotohanan.
Ako’y unti unting tinutupok;
ng poot, kahirapan, pighati at pagkabigo.
Siguroy panahon ng umahon, kumilos at ‘wag mangamba.
Sa ganitong pagsubok; ako’y susuko na nga lang ba?
Mga kaibigang turing ko’y aking pinuntahan,
sumalubong sa aki’y mga taong naghahalakhakan.
Sabi nila’y sila daw ang may kapakanan;
patawarin at ang mga paslit ay nabagot daw lamang.
Noong unay hindi ko sila makilala,
nang magsalita nay saka ko lang naalala.
Dala siguro ng tagal naming hindi nagkita,
kaya boses na lamang ang tangi kong tanda.
Nakatutuwang isiping kaya hindi agad nakilala,
ay hindi dahil sa tagal nang hindi pagkikita;
kundi istsura pala nilay nagbago na.
Maskara ko nooy natatanggal, sa kanila’y kakaiba.
Iba tulo’y naitanong ko sa pagkikita naming muli.
Maskarang suot ay saan n’yo ba nabili?